Alfie Lorenzo

Billy Balbastro

Rey Pumaloy

Allan Diones

Joe Barrameda  


Showbiz Gallery


 

ENTERTAINMENT

Ciara Sotto, tinawag na Ciara Santos

Exbomb Sugar, kwela sa personal


Nakasama namin ang masayang grupo ng Eat Bulaga nang magkaroon sila ng remote telecast nu’ng Sabado sa Cebu kung saan naganap ang ‘pagtutuos’ ng Blue Team at Yellow Team.

Nu’ng Biyernes nang hapon ay sama-samang nag-radio tour at nag-motorcade sa palibot ng Cebu City sina Ciara Sotto, Julia Clarete, Pauleen Luna, Ruby Rodriguez, Sugar Mercado, Lana Jalosjos, Wally Bayola at Jose Manalo.

Kahit mahaba ang inikutan nila, tuwang-tuwa ang tropa dahil ang daming tao na nag-abang sa kanilang motorcade. ‘Katuwa ‘yung ibang mga Cebuano dahil ang tawag nila kay Wally ay Bentong! Kay Ciara naman ay may mga sumisigaw ng Ciara Santos (ayaw ni Charo Santos ng Dos!).

***

Hapung-hapo si Sugar nang makausap namin nu’ng dinner time sa Port seafood restaurant doon sa Waterfront Hotel, Lahug na tinuluyan namin.

Panay kasi ang sigaw niya ng, "Hi!", "Hello po!", "Kamusta po kayo?" at kung anu-ano pa sa mga taong dinaraanan nila kaya kung napaka-hyper niya nu’ng simula ng motorcade, latang-lata siya pagkatapos.

Nakatsikahan namin saglit ang ‘Exbomb’ (dating taga-Sex Bomb) na si Sugar Mercado at kwela ang hitad dahil kahit sa personal pala ay para siyang bata kumilos at magsalita, na natural na inosente at aanga-anga ang dating.

Habang katsika namin siya at may sinisipsip siyang lollipop at yakap niya ang kanyang paboritong Goofy stuffed toy bag na pinangalanan niyang Bombom.

Ipinagmalaki pa niya sa amin na panay candy ang laman ng kanyang bag na stuffed toy.

Maging ang mga co-host niya sa Eat Bulaga ay naaaliw sa pagiging childish (o childlike) ni Sugar. Close na siya kina Ruby, Ciara, Pauleen at Gladys Guevarra na ang turing sa kanya ay little sister at sa tuwa ng mga ito ay madalas siyang bigyan ng mga gamit at damit.

***

Dumagsa ang mga Cebuano sa Cebu City Sports Center (dating Abellana Sports Complex) nu’ng Sabado nang tanghali para sa live show ng Eat Bulaga.

Damang-dama namin ang tindi ng summer sa open-air venue pero dedma ang crowd sa init ng panahon dahil enjoy na enjoy sila lalo na nang lumabas na ang EB trio nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.

Hindi namin naramdaman ang absence ng Sex Bomb dahil santambak ang dancers ng show. Nandu’n ang G-Force Dancers (na noon pa ay madalas nang kunin ng Eat Bulaga) na sinamahan ng tatlong grupo ng local dancers from Cebu (Abyss, Bodyflex at Snap Snipers).

Kumpleto ang buong EB barkada maliban kay Gladys (na sumasakit daw ang scoliosis at di kayang magbiyahe). Lumipad din mula Maynila ang special guests na GMA stars — sina Mark Herras & Jennylyn Mercado, Rainier Castillo & Yasmien Kurdi at Dennis Trillo & Angel Locsin.

Ginawa lang Quiapo ng mga Kapuso stars ang Cebu na dumating nu’ng Sabado nang umaga at lipad din kaagad pa-Maynila after ng guesting nila.

Isang 18-anyos na Cebuana ang masuwerteng nagwagi ng P1M sa Laban o Bawi portion. Tuwang-tuwa si Ellamie Inot (ng Buaya, Lapu-Lapu City) dahil makakapag-aral na siya ng Nursing at makapagpapatayo ng negosyo para makatulong sa kanyang pamilya.

***

Naawa kami sa isa sa mga co-host ng EB na si Lana Jalosjos (kapatid ng ex-BF ni Nancy Castiglione na si Bullet Jalosjos na ang pamilya ay nagmamay-ari ng Dakak resort) dahil habang aligaga ang lahat sa panonood ng Laban o Bawi ay ‘nasimplehan’ siya ng isang babaeng mandurukot at nadekwat ang kanyang celfone!

Ang lakas ng loob ng nasabing babae (na ang pakilala ay miyembro umano siya ng Cebu Jaycees) dahil nagawa nitong magnakaw sa loob mismo ng aircon tent dressing room ng mga artista.

Ang bilis ng kamay nito at agad naipuslit ang celfone na iniwan saglit ni Lana sa kanyang bukas na handbag na walang zipper.

Ang nakalolokah pa, buong akala ni Toni Rose Gayda ay nandu’n ‘yung nasabing babae para i-assist ang EB stars, kaya pinahawak pa niya rito ang kanyang bag at nagpasama pa siya nang mag-CR siya sa portalet.

Nakunsensiya yata ang babae na nakawan si Toni Rose dahil hindi nito itinakbo ang bag ni Toni at walang nawala sa kanyang mga gamit.

Ang suwerte ni Toni pero ang malas ni Lana dahil siya ang nabiktima ng walang takot na matinggera!

***

Highlight ng show ang inaabangang showdown ng Yellow Team (nina Ciara, Julia, Pauleen, Sugar, Toni Rose, Teri Onor at Pia Guanio) versus Blue Team (nina Anjo Yllana, Janno Gibbs, Michael V., Francis M., Allan K., Paolo Ballesteros, Jimmy Santos, Wally at Jose).

Bawat team ay kumuha ng kakampi nilang local group mula sa Cebu na nakasama nila sa kanilang pinaghandaang production number.

In the end ay kinabog ng gimik ng Blue Team na may ‘historical value’ ang mala-Sinulog festival na prod. number ng Yellow Team.

Kuwela ‘yung ‘fight scene’ nina Wally at Jose bilang Magellan at Lapu-Lapu na nagsisipaan, nagtatadyakan at nag-i-split sila sa ere gamit ang kanilang ‘puppet legs’ itsura ng nakatutuwang bakbakan nina Zsazsa Zaturnnah at Queen Femina sa riot na musical na napanood namin kamakailan sa CCP.

Ang GMA-7 ang namahala sa Cebu press na nag-cover ng event bilang suporta nila sa Eat Bulaga na isa sa mga namamayagpag na programa ng Siyete.

Kasing-init ng tag-araw ang pagtanggap ng mga taga-Cebu sa Eat Bulaga kaya ang dinig namin ay babalik ulit doon ang buong tropa later this year. Nakatakda ring pumunta ang EB sa Davao at Iloilo.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top