The Wayback Machine - https://web.archive.org/all/20050211010157/http://www.livejournal.com:80/users/bisoy/

Wed, Feb. 2nd, 2005, 05:17 am
Filipino Search Engine and Directory Philippines

Alleba Filipino Search Engine and Directory Philippines

Alleba Filipino Directory Philippines Society and Culture > Personal Homepages

Alleba Filipino Search Engine

filipinolinks.com : Internet/Wikang Katutubo/Tagalog or Filipino

Tanikalang Ginto

Google Bagian
Hanapin sa specific na Lenguahe o Bansa
Hanapin ang mga pahinang sinulat sa:   
Hanapin ang mga pahinang nasa:  
Hanapin ang    

Tip: Kung malimit maghanap sa mga pahina sa iisa o ibang lenguahe, pwede mong baguhin ang default search behavior ayon sa iyong  Kagustuhan.

Sat, Jan. 29th, 2005, 07:04 pm
BABAENG EMPERADOR ?

PAGKAKAROON NG BABAENG EMPERADOR, PINAG-AARALAN

 Ipinahayag ni Hiroyuki Yoshikawa, isang dating presidente ng University of Tokyo at ngayon ay pinuno ng isang government panel na tumatalakay sa mga isyu ukol sa pagmamana ng trono ng emperador, na nagkasundo ang nasabing panel noong Enero 25 na pag-aralan ang posibilidad na payagan ang isang babae na humalili sa trono nang sa gayon ay masiguro ang isang "matatag na paghalili sa trono ng emperador".

 Ginanap ang kauna-unahang pagpupulong ng 10-member panel sa opisina ng punong ministro at pinaplano nitong magsumite ng isang ulat kay Prime Minister Junichiro Koizumi malamang sa taglagas ngayong taon.

 Ang naging kasunduan sa unang pagpupulong ay nagbibigay-daan para sa panel na pag-aralan ang isang mungkahing baguhin ang Imperial House Law, na siyang nagtatakda na lalaki lamang ang maaaring humalili sa trono, dahil sa wala pang lalaking tagapagmana sa trono ang naipapanganak mula 1965.

 Sinabi ni Yoshikawa na malayang nagpalitan ng opinyon ang mga miyembro ng panel at nagkasundo silang ang kanilang huling desisyon ay dapat base sa opinyon ng karaniwang mamamayang Hapon.

 Ang pagpupulong ay isinagawa sa panahong karamihan sa mga mamamayang Hapon ay tanggap na ang ideya na babae ang maghaharing emperatris.

 Isang survey noong 2003 ay nagpakita na mahigit sa 70% ng mga mamamayang Hapon ay sumusuporta sa pagbabago ng Imperial House Law upang payagan ang isang babae na maging tagapagmana ng trono, isang malaking pagtaas mula sa mga 30% sa isang parehong survey noong 1975.

 Dahil sa kakulangan sa lalaking tagapagmana sa pinakamatandang hereditary monarchy sa mundo, nakatuon ang atensyon ng publiko sa 3 taong gulang na si Princess Aiko, ang nag-iisang anak ni Crown Prince Naruhito, bilang posibleng maging naghaharing emperatris kapag nabago ang Imperial House Law.

 Sa ilalim ng kasalukuyang batas, hindi maaaring humalili sa trono si Princess Aiko at ang kanyang mga magiging anak.

 Sa 125 emperador ng Japan, kabilang ang mga kilala lamang sa alamat, nagkaroon ng 8 babaeng emperador ang Japan, sa pagitan ng 6th at 18th centuries, kung saan 2 dito ang namuno ng 2 beses sa ilalim ng magkaibang pangalan.

 Subalit karamihan sa mga nagharing emperatris ay humalili sa trono upang humarap sa mga emergency, gaya ng kapag ang crown prince ay masyado pang bata upang maghari o di kaya ay napilitang ipagpaliban ang kanyang paghalili sanhi ng pampulitikang kadahilanan.

Sat, Jan. 29th, 2005, 06:52 pm
SINGLE MOTHERS

SINGLE MOTHERS SA JAPAN, DUMAMI

 Ayon sa Health, Labor and Welfare Ministry noong Enero 19, tumaas ang bilang ng mga sambahayan ng single-mothers ng 28% sa bilang na 1.22 milyon noong piskal na taong 2003 kung ikukumpara sa nakaraang survey at 80% dito ay resulta ng divorce.

 Ayon rin sa survey, 147,200 sambahayan ay naging single-parent homes sanhi ng pagkamatay ng asawang lalaki, mababa ng 18% kaysa sa nakaraang survey na isinagawa noong piskal na taong 1998. 

 Nanguna ang divorce bilang dahilan para sa single-parent homes, mataas ng 50% kaysa sa dating survey sa bilang na 978,500 sambahayan.

 Ang bilang naman ng mga pamilya na may unmarried mothers ay 70,500, tumaas ng 2% mula sa nakaraang survey.

 Ipinakita umano ng resulta ng survey ang mabilis na pagbabago sa komposisyon ng mga pamilya sa bansa.

 Mga 3,800 sambahayan ang pinili nang walang basehan mula sa 2000 census at ininterview para sa survey hanggang Nobyembre 2003.

 Ang isang single-mother home ay inilarawan bilang isang sambahayan na mayroong isa o higit pang anak na wala pang 20 taong gulang at hindi nakatira kasama ang tatay.

 Ang kabuuang bilang ng sambahayan ng single-mother at anak ay pinakamataas magpahanggang ngayon mula nang sinimulan ang survey noong 1952.

 34% lamang ng mga divorced single mothers ang mga may kasunduan para sa child support na ibibigay ng ama.

 May mga nagsasabing bagamat binago noong Abril 2003 ang batas na pumoprotekta sa kapakanan ng mga single mothers upang mapatupad ang pagbibigay ng child support ng mga divorced fathers, nabigo umano itong magkaroon ng malaking epekto.

Sat, Jan. 15th, 2005, 11:34 am
IMBENTOR NG BLUE LED

IMBENTOR NG BLUE LED, DI MASAYA SA KASUNDUAN

Inayos ng Nichia Corp. at ng dati nitong empleyado na si Shuji Nakamura ang kanilang alitan ukol sa patent para sa blue light-emitting diode o LED noong Enero 11 sa pamamagitan ng pagbabayad ng Nichia kay Nakamura ng 843 milyong yen. 

Ang pag-aayos, na pinamagitanan ng Tokyo High Court, ay ang pinakamalaki sa Japan para sa imbensyon ng isang empleyado.

Pinag-utusan ng Tokyo District Court ang Nichia noong Enero ng nakaraang taon na bayaran si Nakamura ng 20 bilyon yen bilang kompensasyon. 

Ang halagang 600 milyong yen na napagpasyahan noong Enero 11 ay kabayaran para sa paglipat ng patent, ang pinakamataas na halagang itinakda ng Tokyo High Court, at ang natitirang 243 milyong yen ay para sa pagkahuli ng bayad.

Sinabi ni Nakamura, 50 taong gulang at umalis ng Nichia noong 1999, na siya ay labis na hindi nasisiyahan sa kasunduan ngunit tinanggap ito dahil na rin sa rekomendasyon ng kanyang abugado. 

Si Nakamura ay kasalukuyang isang propesor sa University of California sa Santa Barbara. 

Sa kabilang dako, itinuring naman ng Nichia ang kasunduan bilang isang pag-usad at sinabing kinilala ng Tokyo High Court na ang imbensyon ni Nakamura ay resulta ng teamwork, at hindi ng pagsisikap ng isang indibidwal. 

Ang kaso ni Nakamura ay isang napakahalagang kaso, na nag-udyok sa mga kumpanyang Hapon na muling suriin kung paano gagantimpalaan ang kanilang mga empleyado para sa kanilang mga imbensyon. 

Nagbigay-daan din ang kaso sa pagkakabago ng patent law on employees' inventions noong Hunyo ng nakaraang taon. 

Ang blue LED, na siyang nagamit noong 1993, ay naglalabas ng blue light kapag dinaanan ng kuryente. 

Sinasabi ng mga eksperto na ang imbensyon ay rebolusyonaryo, dahil nagawa nitong posible ang makagawa ng lahat ng kulay sa mga computer screens kapag hinalo ang blue LED sa red at green LED.

Sun, Jan. 9th, 2005, 03:58 pm
Pekeng Lapad (10,000 Yen)

MGA PEKENG 10,000 YEN, GINAMIT SA MGA SHRINE AT TEMPLO

Mga 230 pekeng 10,000 yen bills ang ginamit sa mga transaksiyon sa mga tindahan malapit sa mga shrine at templo sa Tokyo at labing-isa pang prepektura mula ika-tatlumpu’t-isa ng Disyembre hanggang ikatlo ng Enero.

Sinabi ng National Police Agency noong ika-apat ng Enero na ang mga lugar na ito ay puno ng mga taong nagdarasal upang suwertehin sa 2005 sa mga panahong nabanggit. 

Pinaghihinalaan ng pulisya na iisang grupo ang nasa likod ng mga ilang kaso ng pamemeke dahil pareho ang serial number ng mga perang natagpuan sa Osaka, Kyoto at Hyogo.

Pareho rin umano ang mga serial numbers ng mga pekeng salaping natagpuan sa Iwate at Miyagi prefectures. 

Marami sa mga pekeng pera ang ginamit pambili ng mga lucky charms, mga papel na naglalaman ng hula, pagkain at inumin sa mga tindahan sa mga shrine at templo. 

Ayon sa pulisya, lahat umano ng mga pekeng pera ay ginawa gamit ang color copy machine.

Matatandaang naglabas ang pamahalaan noong ika-isa ng Nobyembre ng bagong disenyo para sa 10,000 yen, 5,000 yen at 1,000 yen upang labanan ang pamemeke.

Sat, Dec. 4th, 2004, 12:24 pm
PREPAID CELLPHONE

PAGHIHIGPIT NG MGA KUMPANYA NG PREPAID CELLPHONE

Ipinahayag ng mga kumpanya ng cellphone at ng Internal Affairs and Communications Ministry noong Nobyembre 30 ang mga pinahigpit na patakaran laban sa maling paggamit ng prepaid cellphones para sa mga phone scams at iba pang kaugnay na krimen. 

Isa sa mga patakaran ay ang pag-uutos sa mga kumpanya na muling kumpirmahin ang mga pangalan at tirahan ng mga users kapag bumili sila ng cellphones. 

Kapag hindi ito makumpirma, papayagan ang mga kumpanya na itigil ang serbisyo ng mga ito.  Ang mga pinahigpit na patakaran ay ipakikilala sa darating na tagsibol. 

Subalit sa kasalukuyang buwan, mag-uumpisa ang mga kumpanya ng cellphones na baguhin ang mga contract clauses nito at muling kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng mga gumagamit ng cellphones na natagpuan ng pulisya na ginamit sa mga krimen. 

Kapag hindi sumagot ang gumagamit ng cellphone sa mga tanong, puputulin ang serbisyo ng kanilang cellphone. 

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, ang isang bagong bibili ng cellphone ay kailangang magpakita ng identification gaya ng driver's license at iba pa.  Inirerehistro ng mga kumpanya ng telepono ang mga pangalan at tirahan ng mga users. 

Subalit nahihirapan ang mga kumpanya na kumpirmahin ang mga pagkakakilanlan ng mga gumagamit ng mga prepaid cellphones na muling ibinenta.

Fri, Dec. 3rd, 2004, 06:56 pm
'Alien' sa Japan pinasusuko na

'Alien' sa Japan pinasusuko na
 
TOKYO-Sinimulan kahapon ng Japan ang pagluluwag sa illegal immigrants na boluntaryong umaalis ng bansa sa layuning kalahatiin ang bilang ng mga dayuhang walang dokumento sa bansa, ayon sa awtoridad.
Mahigit 90 katao ang pumila sa Tokyo Immigration Office upang samantalahin ang probisyon, na nagbaba sa isang taon mula sa dating limang taon bago muling makapasok sa Japan kapag isinuko nila ang kanilang sarili, ayon sa public broadcaster ng NHK.

"I came here because I want to come back to Japan after one year," ayon sa isang Chinese sa NHK. Anang Pilipina, "I would face a penalty if I was caught."

Inalis din ng inamyendahang batas ang pagkukulong sa mga dayuhang nag-overstay sa bansa kung wala namang malubhang krimen na nagawa.

Gayundin, ang multa para sa illegal entry ay itinaas sa 3,000,000 yen ($29,000) mula sa dating 300,000 yen. Ang mga illegal na naipatapon na nang dalawang beses ay pagbabawalang makapasok sa bansa sa loob ng 10 taon sa halip na lima.

Ang mga mahuhuling nag-overstay nang hindi isinusuko ang kanilang sarili sa awtoridad ay pagbabawalang makapasok sa Japan sa loob ng limang taon.

"The entire Japanese government is making efforts to halve the number of overstaying foreigners, so this amendment is a part of that," ani Immigration spokeswoman Yoshiko Miyazaki.

Reporter at AFP

Sat, Nov. 27th, 2004, 06:43 am
HIHIGPITAN

MGA ENTERTAINERS MULA SA PILIPINAS, HIHIGPITAN

Nakasaad sa balangkas ng isang action plan, pinaplano ng pamahalaan na maglapat ng mas mahigpit na work-visa requirements para sa mga dayuhang entertainers upang labanan ang human trafficking. 

Ang pinahigpit na mga hakbang para sa pagpasok ng mga dayuhang dancers, singers at iba pang performing artists ay partikular na mase-sentro sa mga Pilipina, na siyang karamihan sa mga pumapasok sa Japan gamit ang naturang visa. 

Ayon sa data ng Justice Ministry, mga 130,000 dayuhan ang pumapasok sa Japan taon-taon gamit ang entertainment visa. 

Mga 80,000 ang mula sa Pilipinas, kung ikukumpara sa bawat 6,000 at 7,000 mula sa Estados Unidos, China at Russia.

Ayon sa pamahalaan, pinaplano nito na babaan ang bilang ng mga Pilipinong bibigyan ng entertainment visa sa bilang na mga 8,000. 

Ayon sa balangkas ng action plan na nakuha noong Nobyembre 23, pinaplano ng pamahalaan na tanggalin ang probisyon ng Justice Ministry na nagpapahintulot sa mga entertainers na opisyal na kinikilala sa kanilang bansa bilang musician, singer o dancer na tumanggap ng automatic entertainment visa sa Japan.

Kasalukuyang nagbibigay ang ministro ng six-month residency status sa mga certified foreign entertainers. 

2 pang kategorya ng foreign entertainers ang maaaring makakuha ng nasabing visa -- ang mga nag-major sa singing, dancing o art ng higit sa 2 taon sa isang educational institution at ang mga mayroong mahigit sa 2 taong kaugnay na karanasan sa ibayong-dagat.

Sinasabi ng mga human rights activists na maraming kababaihan sa Asya na mayroong entertainment visas ang napipilitang magtrabaho sa sex industry ng Japan dahil ang kanilang pasaporte ay kinukuha ng kanilang amo.

Sinasaad sa dokumento na para sa mga naturang kaso, po-protektahan sila ng pamahalaan bilang biktima ng human trafficking at hindi bilang kriminal dahil natapos na ang kanilang visa. 

Sa mga kaso kung saan ang mga biktima ay nabilanggo, bibigyan sila ng pamahalaan ng espesyal na permisong manatili sa Japan nang sandali upang tumestigo sa paglilitis laban sa mga nambiktima sa kanila. 

Magbibigay rin ng tulong ang pamahalaan sa mga biktima kung nais nilang bumalik sa kanilang bansa sa pamamagitan ng pagbabayad sa kanilang pamasahe.  

Idinagdag rin na ang mga biktima ay ipapadala sa mga women's counseling centers sa halip na sa immigration detention centers. 

Ang plano ay nananawagan para sa mas mahigpit na hakbang laban sa mga nagsasagawa ng human trafficking sa pamamagitan ng pagbabago sa Penal Code at sa paggawa ng batas na tahasang nagbabawal sa human trafficking. 

Ang mga hakbang na ito ay isinagawa matapos ibinaba ng U.S. State Department noong Hunyo ang assessment nito sa pagsisikap ng Japan upang labanan ang human trafficking. 

Kasunod nito, minadali ng pamahalaan ang mga hakbang at nagpasyang bumuo ng action plan bago mag-Disyembre.

Sat, Nov. 13th, 2004, 11:22 pm
MGA BILOG NA KABABAYAN

MAS MALUWAG NA PATAKARAN PARA SA MGA SUSUKONG ILEGAL NA DAYUHAN

Mula Disyembre 2, ang mga illegal overstayers sa Japan na kusang susuko sa mga opisyal ng immigration bureau ay tatanggap ng higit na maluwag na patakaran. 

Ang mga visa overstayers na makakatugon sa ilang mga kundisyon at susuko sa mga regional immigration offices o liaison offices ay hindi makukulong. 

Bagamat ang mga ito ay haharap sa deportasyon matapos makumpleto ang ilang madaling proseso, malamang na papayagan ang mga ito na makabalik sa Japan matapos ang isang taon. 

Sinabi ng mga opisyal ng immigration na ang sistemang ito ay higit sa isang amnestiya sapagkat ito ay mananatili. 

Ang mga pagbabagong ito ay kabilang sa pagbabago noong Mayo ng Immigration Control and Refugee Recognition Law. 

Bagamat hindi pa naipapatupad ang mga bagong batas, ang mga awtoridad ng immigration ay nag-umpisa na sa pagproseso ng mga overstayers na kusang sumuko at nagbigay ng kanilang mga pasaporte at alien registration cards. 

Nais ng mga opisyal na makaiwas sa backlog dahil inaasahan ng mga ito na ang bagong sistema ay maghihimok sa maraming bilang ng mga overstayers na sumuko sa Disyembre. 

Paglaon, umaasa ang mga opisyal na ang mga pagbabago ay magbubunga sa kabuuang pagkabawas sa bilang ng mga dayuhang nabigong umalis ng bansa kahit na natapos na ang kanilang mga visa. 

Sa ilalim ng lumang sistema, ang mga overstayers ay kaagad na ipinapadala sa mga detention centers kung saan sila iniimbestigahan. 

Sa karamihan ng kaso, ang mga dayuhang wala nang visa ay idine-deport.  Pinagbabawalan rin ang mga ito na pumasok muli ng Japan sa loob ng 5 taon. 

Ang mga bagong batas ay para lamang sa mga overstayers na makakapagpakita na wala silang dating record ng deportasyon, walang record na nabigyan ng hatol na pagkakakulong, at walang ibang dahilan upang ma-deport.

Sat, Nov. 6th, 2004, 01:31 pm
KINIDNAP SA IRAQ - 2

LABI NG HAPONG PINASLANG SA IRAQ, INUWI NG FUKUOKA

Dumating ang labi ni Shosei Koda, ang Hapong pinugutan ng ulo sa Iraq, sa Fukuoka Airport noong Nobyembre 3, kung saan naghihintay ang kanyang mga magulang. 

Nasa Fukuoka Airport na ang kanyang mga magulang na sina Masumi at Setsuko nang dumating ang kanyang bangkay ng mga bandang alas-8:30 ng gabi. 

Ibiniyahe ng US military ang labi mula Baghdad patungong Kuwait noong umaga ng Nobyembre 3, at dinala sa Kansai International Airport.

Ayon sa Fukuoka Prefectural Police, pinaplano nilang magsagawa ng otopsiya sa bangkay. 

Si Senior Vice Foreign Minister Shuzen Tanigawa, na siyang namuno sa Japanese task force sa Amman na sumubok upang mabawi si Koda sa kamay ng mga terorista, ang siyang sumalubong sa labi ni Koda sa Kuwait at naghatid dito sa Japan.

Ayon sa mga magulang ni Koda, isasagawa ang lamay para sa kanilang anak sa Nobyembre 4 at ililibing ito sa Nobyembre 5. 

Ayon sa ama ni Koda, hindi nila alam kung paano ipapahayag ang kanilang kalungkutan sa pagkamatay ng kanilang anak.

Humingi ito ng paumanhin sa mga taong naabala, at nagpasalamat naman sa lahat ng tumulong.  

Inamin ng militanteng grupo, na pinamumunuan ni Abu Musab al-Zarqawi na may kinalaman sa al-Qaeda, sa pamamagitan ng isang pahayag sa Internet na sila ang may kagagawan sa nangyari kay Koda at inulit ang kahilingan nitong bawiin ng Japan ang tropa nito sa Iraq.

Sa kaparehong website rin ipinakita ang video ng pagpugot ng ulo ni Koda ng 3 nakamaskarang lalaki habang siya ay nakaluhod sa isang bandila ng Amerika at nakatali ang kamay sa kanyang likuran. 

Matatandaang noong Oktubre 27, naglabas ng video ang grupo na humihiling na bawiin ng Japan ang Self-Defense Forces nito sa Samawah, Iraq sa loob ng 48 oras, kapalit ng buhay ni Koda ngunit tumanggi si Prime Minister Junichiro Koizumi dito. 

Samantala, itinanggi naman ng isang opisyal ng Foreign Ministry noong Nobyembre 2 na inalok nila ng salapi ang grupo kapalit ng paglaya ni Koda.

Sat, Nov. 6th, 2004, 01:29 pm
KINIDNAP SA IRAQ - 1

ISA NA NAMANG HAPONES, KINIDNAP SA IRAQ

Isang video na ipinalabas sa isang website ( Ogrish.com ) noong Oktubre 26 ay nagpakita ng isang lalaking Hapones na kinidnap ng al-Qaida at nagbanta ang mga ito na pupugutan ng ulo ang Hapones sa loob ng 48 oras kung hindi babawiin ng Japan ang mga tropa nito sa Iraq. 

Ang lalaking kinidnap na kumpirmado ng kanyang pamilya ay si Shosei Koda, 24 taong gulang na taga Noogata, Fukuoka Prefecture.  

Isang banner sa background ng video ang nagtukoy sa base ng al-Qaida sa Iraq. 

Si Abu Musab al-Zarqawi, isang kaanib ng international terrorist organization na sinasabing nag-uutos sa mga pag-atake ng terorista sa Iraq, ang siyang nagpapatakbo sa grupo sa Iraq. 

Samantala, sinabi ni Prime Minister Junichiro Koizumi noong Oktubre 27 na hindi niya babawiin ang mga tropa ng Self-Defense Forces ng Japan sa Iraq. 

Nagpulong ang mga opisyal ng Japan noong Oktubre 28 sa opisina ng punong ministro upang suriin ang mga impormasyon ukol sa mga paggalaw ni Koda bago siya madukot at ang pangkalahatang sitwasyon sa Iraq, habang nagkaroon ng meeting si Foreign Minister Nobutaka Machimura upang pag-usapan ang mga diplomatikong pagsisikap. 

Sa Amman, Jordan,  nagtayo ang Japan ng isang task force na pinamumunuan ni Senior Vice Foreign Minister Shuzen Tanigawa upang pamahalaan ang sitwasyong pang-ho-hostage nang malapit sa lugar. 

Noong Oktubre 28, wala pang impormasyong nakakalap ang pamahalaan ng Japan ukol sa pagkakadukot kay Koda at wala pa umano itong komunikasyon sa mga dumukot dito. 

Humingi na ng kooperasyon ang Japan mula sa 25 bansa, kabilang ang Iraq, mga karatig-bansa nito, Estados Unidos at Britain, sa pagkuha ng impormasyon at pagsisikap na mapalaya si Koda.

Ang Foreign Ministry ay nagpapayo sa mga mamamayang Hapon na huwag pumunta sa Iraq sanhi ng sitwasyong mahinang seguridad.

Sat, Oct. 30th, 2004, 07:00 am
MIRACLE

2 TAONG GULANG NA BATANG LALAKI, NAILIGTAS MULA SA NABAONG KOTSE

Isang 2 taong batang lalaki ang nailigtas noong Oktubre 27 mula sa isang kotseng nabaon sa Niigata Prefecture sanhi ng landslide dahil sa lindol noong Oktubre 23, 4 na araw matapos itong maiulat na nawawala kasama ng kanyang ina at kapatid. 

Nailigtas si Yuta Minagawa at dinala sa isang ospital pagkatapos.  Ngunit ang kanyang nanay na si Takako at ang kanyang nakatatandang kapatid na babae na si Mayu na nailabas rin mula sa nabaong kotse ay sinawing palad na makaligtas. 

Iniulat na nawawala ang 2 bata at ang kanilang ina nang mabaon ang kanilang kotse sa isang landslide sa siyudad ng Nagaoka. 

Ang kanilang kotse ay natagpuan noong Oktubre 26 sa lugar na pinangyarihan ng landslide. 

Ang rescue operations ay isinagawa sa kabila ng malakas na aftershock at sunod-sunod na mahihinang lindol noong Oktubre 27. 

Ang rescue operation, na isinagawa ng mga opisyal ng Niigata kasama ng pulisya, bumbero at tropa ng Self-Defense Forces, ay ipinalabas sa telebisyon sa buong bansa.

Sat, Oct. 30th, 2004, 06:52 am
LINDOL

MALALAKAS NA LINDOL, TUMAMA SA NIIGATA

Sunod-sunod na malalakas na lindol, kung saan ang una at pinakamalakas ay umabot sa preliminary magnitude na 6.8, ang tumama sa hilagang Japan sa may baybayin ng Sea of Japan noong gabi ng Oktubre 23. 

Ang unang lindol ay tumama ng 5:56 ng gabi na nakasentro 20 kilometro sa ilalim ng lupa sa rehiyon ng Chuetsu sa Niigata prefecture, at sinundan ito ng ilan pang malalakas na aftershocks. 

Sinabi ng Japan Meteorological Agency na ang mga lindol maliban sa una ay nakasentro 10 kilometro sa ilalim ng lupa sa rehiyon. 

3 lindol na nasa upper 6 at isa na nasa lower 6 sa Japanese seismic intensity scale of 7, habang ang 2 naman na nasa upper 5 ang tumama sa Niigata. 

Walang tsunami warning na ipinalabas.  Ayon sa ahensya, ito ang unang pagkakataong nagkaroon ng 4 na lindol na may lakas na 6 sa loob ng isang araw mula nang magsimulang magtala ang ahensya ng mga lindol.

Samantala, umabot na sa 35 katao ang namatay at 2,100 ang nasaktan sa mga paglindol. 

Sinabi rin ng mga prefectural government officials na umabot na sa mahigit sa 100,000 ang mga evacuees sa 497 evacuation shelters sa 34 na munisipalidad. 

Unti-unti nang nanunumbalik ang mga kuryenteng naputol sa mga nasa 270,000 sambahayan mula noong gabi ng Oktubre 23 ngunit 30,000 sambahayan pa ang nananatiling walang kuryente higit sa lahat sa mga siyudad ng Nagaoka at Ojiya. 

Mga 108,000 sambahayan ang nananatiling walang tubig at mga 56,000 naman ang walang gas. 

Sinabi ng weather agency na maaaring bumaba pa ang temperatura sa tinamaan ng lindol na central Niigata Prefecture sa mga darating na araw, at posibleng magyelo rin sa mga mabundok na lugar.

Binisita ni Prime Minister Junichiro Koizumi ang mga siyudad ng Ojiya at Nagaoka upang makita niya mismo ang pinsala ng lindol at makapagbigay ng lakas ng loob sa mga nakaligtas.

Samantala, nag-umpisa na ng prepasyon ang Niigata prefectural government upang magtayo ng pansamantalang pabahay para sa mga residente ng 29 na munisipalidad na nasa kalagayang maaaring tumanggap ng tulong sa ilalim ng disaster relief law.

Sat, Oct. 23rd, 2004, 07:25 am
BAGYO

PINAKAMALALANG BAGYO SA LOOB NG 10 TAON

57 katao ang namatay, 32 ang nawawala at mahigit sa 300 ang nasaktan nang tumama ang bagyong Tokage sa Japan at sinabi ng pamahalaan na ang pinsalang naidulot nito ang pinakamalala sa loob ng 10 taon. 

Ang bagyo, na bumagsak sa Shikoku Island ng mga ala una ng hapon noong Oktubre 20 ay umabot sa pinakamalaking isla ng Japan na Honshu ng parehong araw at bumagsak sa Osaka Prefecture. 

Si Tokage ay ang pang-23 bagyo na tumama sa Japan ngayong season at ang pang-10 na tumama sa lupa. 

Ang dating record ay 6 noong 1990 at 1993.

Ayon sa Fire and Disaster Management Agency, ang bilang ng mga namatay ay ang pinakamarami sa loob ng 10 taon.

Si Tokage ay nagdulot ng malakas na pag-ulan at hangin, nakasira ng mga bahay at mga mahahalagang ari-ariang pangkultura, nakapagpalihis sa tren, at nakapagpatigil sa mga serbisyong pang-transportasyon sa buong bansa.

Agad na ipinag-utos ni Prime Minister Junichiro Koizumi ang pagpapadala ng isang fact-finding team ng pamahalaan nang nakipagkita siya kay Yoshitaka Murata, state minister in charge of disaster management.

Nagkansela ang mga airlines ng kabuuang 119 domestic flights noong umaga ng Oktubre 21 na siyang naka-apekto sa 25,000 pasahero.


Relation link (English)
http://www.asahi.com/english/nation/TKY200410220144.html
Relation link (Pictures)
http://www.mainichi-msn.co.jp/shakai/tenki/typhoon/etc/20041021/

Sat, Oct. 16th, 2004, 06:52 am
AFSJ WELCOME PARTY

AFSJ WELCOME PARTY

Oct. 30, 2004 (Saturday)

Magkakaroon ng welcome party ang Association of Filipino Students in Japan para sa mga bagong estudyante.

Makisaya at makisalo sa isang simpleng barbecue / bingo social para i-welcome ang mga bagong dating.

Kung mayroon kayong kilalang estudyante na hindi pa sumasali sa organization, yayain niyo nang sumali! 

Para sa mga detalye, tumawag kay Caryn

Where:
Komaba Ryugakusei Kaikan
4-5-29 Komaba, Meguro-ku, Tokyo-to 153-0041

(Inokasira Line - Komabatodaimae Station)

Sat, Oct. 9th, 2004, 06:47 am
ORE-ORE SAGI

10 BILYON YEN, NAKUHA MULA SA PANDARAYANG "AKO-ITO, AKO-ITO"

Ayon sa National Police Agency o NPA noong Oktubre 6, mahigit sa 10 bilyon yen ang nakuha mula sa mga naloko ng panloloko sa telepono na kilala sa "ore-ore sagi" o "ako-ito, ako-ito" ngayong taon. 

Ang kabuuang halaga na nakuha mula Enero hanggang Agosto ay 10.032 bilyon yen, 2.3 beses mahigit kaysa parehong panahon noong nakaraang taon. 

Sa nasabing panloloko, tumatawag ang manloloko at nagpapanggap na isang namomroblemang kamag-anak na nangangailangan ng pera nang madalian. 

Hihilingin ng manloloko na ilagay ang pera kaagad sa isang itinalagang bank account.  

Sa karamihan ng mga kaso, ang dahilan na ibinibigay ay kailangan ang pera upang ayusin ang isang problema sa labas ng korte, gaya ng aksidente sa trapiko. 

Sinabi rin ng ilang manloloko na kailangan ang pera upang pambayad sa mga loan sharks o di kaya ay para sa pagpapalaglag ng bata ng kasintahan. 

Kamakailan, nagkunwari naman ang ilang manloloko na sila ay mga pulis at hinihimok nila ang mga biktima na bayaran ang pera para sa kanilang mga kamag-anak. 

Sa 5,500 na naging biktima hanggang Agosto ngayong taon, 4,100 dito ay babae. Samantala, 156 lamang ang naaresto sa mga kasong "ako ito, ako ito" ngayong taon.


Relation link (English)
http://www.asahi.com/english/nation/TKY200410080225.html
Relation links (Salitang Hapon)
http://dailynews.yahoo.co.jp/fc/domestic/oreore_fraud/
http://external.pcc.jp/~biso/souko/fraud.html

Sat, Oct. 2nd, 2004, 05:56 am
MISSILES

NORTH KOREA, NAGHAHANDANG MAGLUNSAD NG BALLISTIC MISSILES

Napag-alaman noong Setyembre 23 na ipinapahiwatig ng mga impormasyong pang-militar na nakalap ng Japan at Estados Unidos na naghahanda ang North Korea sa paglulunsad ng isang Rodong o Taepodong ballistic missile o magsagawa ng isang missile engine combustion test. 

Ang impormasyon, mula halos sa radyo at U.S. reconnaissance satellites noong mga kalagitnaan ng Setyembre, ay nag-udyok sa pamahalaan ng Japan na magtayo ng isang espesyal na opisina sa Prime Minister's Office at magpadala ng aircraft, isang Aegis-equipped destroyer at iba pang vessels sa Sea of Japan upang kumalap pa ng impormasyon.

Noong umaga ng Setyembre 23, itinalaga ng pamahalaan sina Deputy Chief Cabinet Secretary Seiken Sugiura, Deputy Chief Cabinet Secretary for Crisis Management Takeshi Noda at mga nakatataas na mga opisyal sa mga kaugnay na ahensya at ministro sa pagkalap at pagsusuri sa mga impormasyon sa naturang opisina.

Sinuri umano ng mga pamahalaan ng Japan at Estados Unidos ang mga impormasyong pang-militar at mga litrato at natuklasan ang mga gawain gaya ng mga behikulo at mga tropa na nagtitipon-tipon sa isang missile base sa hilagang-silangang bahagi ng North Korea.

Sinabi ng mga ito na regular na nagsasagawa ang North Korea ng mga engine-combustion tests, kabilang ang 2 natuklasan noong Abril ngayong taon.

Ngunit ang maraming bilang ng mga behikulo at tropa kaysa mga nakaraang tests ay nag-udok sa Japan at Estados Unidos na itaas ang alert at monitoring level sa isang posibleng paglulunsad ng missile.

Subalit sinabi naman ni Prime Minister Junichiro Koizumi na hindi malamang na maglunsad ng isang ballistic missile ang North Korea at sinabi niyang maliit ang posibilidad nito.

Ang isang Rodong missile ay may abot na hanggang 1,300 hanggang 1,500 kilometers at maaaring tumama ito halos kahit saan sa Japan.  Ang Taepodong ay may mas malayong abot na nasa pagitan ng 3,500 at 6,000 kilometers.

Nangako ang North Korea na ipagpapatuloy nito ang moratorium nito sa pagsususpinde ng paglulunsad ng missiles matapos ang 2003 sa Pyongyang Declaration na pinirmahan nina Prime Minister Koizumi at North Korean leader Kim Jong Il noong Setyembre 2002.

Sat, Sep. 25th, 2004, 06:47 am
CITIBANK

CITIBANK, PINARUSAHAN SA PANG-AABUSO

Pinatawan ng mahigpit na parusa ang Japanese unit ng Citibank sanhi ng pang-aabuso nito sa financial liberalization ng Japan. 

Ang private banking business sa Japan, kung saan ngayon ang Citibank ay pinagbabawalan na, ay sumasaklaw sa mga produkto at serbisyo gaya ng pagpapautang, credit cards, securities, real estate, trusts at taxation at naging isang pangunahing beneficiary ng financial deregulation ng bansa. 

Subalit inabuso ng U.S. banking giant ang liberalization nito.

Bilang halimbawa, naningil ang naturang bangko ng 10% commission fee para sa 50-year structured bonds na ibinebenta sa mga matatandang customers nito at hinimok ang mga kliyente nito na gamitin ang perang hiniram sa bangko upang bumili ng securities at gamitin ito bilang collateral para sa karagdagang utang na ipangbibili ng mas maraming securities. 

Ang private banking operations ng Citibank sa Japan ay karaniwang humahawak sa mga customers na mayroong kaunting mahigit sa 100 milyon yen bilang financial assets, habang ang mga parehong operasyon nito sa Estados Unidos at Europa ay sumasaklaw sa mga napakayaman na may mga assets na mahigit sa 10 billion yen. 

Ngunit ang unit nito sa Japan ay nagnais na dagdagan ang kita nito kung kaya't sa pangunguna ng U.S. headquarters nito, inugnay nito ang mga bonuses sa performance upang mahimok ang mga salespeople nito na ibenta nang husto ang kanilang mga produkto. 

Bilang resulta, ang nangunguna sa U.S. financial market, na siyang dapat ay maging modelo para sa asset management, ay naging mas agresibo kaysa sa mga brokerage firms.

Sat, Sep. 18th, 2004, 06:21 am
BINITAY NA

TAKUMA, BINITAY NA

Binitay na si Mamoru Takuma noong Setyembre 14 sa Osaka pagkatapos lamang ng kulang-kulang isang taong pagkasalang sa death row. 

Napatawan si Takuma ng parusang kamatayan matapos pumaslang ng walong bata sa elementariya.

Karaniwang ilang taon ang lumilipas bago mabitay ang isang bilanggo sa death row. 

Gayunpaman, sa kaso ni Takuma, tila natupad ang kanyang huling hiling na mapabilis ang kanyang kamatayan. 

Si Takuma, 40, ay nasintensiyahan noong Agosto 2003 sa District Court ng Osaka. 

Naging pinal ang desisyon noong Setyembre 2003 matapos bawiin ni Takuma ang apela ng kanyang mga abogado. 

Ayon sa korte, pinasok ni Takuma ang Ikeda Elementary School sa Osaka noong Hunyo 8, 2001. 

Dala ang kanyang itak, nag-amok ito at nakapaslang ng walong estudyanteng may edad 6 hanggang 8. 

Hindi kailanman humingi ng tawad si Takuma sa pamilya ng kanyang mga biktima, bagkus ay kung anu-ano pang insulto ang sinabi nito sa kanila sa panahon ng kanyang paglilitis. 

Sa sulat ni Takuma sa kanyang abogadong si Shigeki Todani, sinabi nitong gusto na niyang mabitay sa loob ng anim o tatlong buwan. Ayaw umano nitong makulong ng mahabang panahon. 

Iba't-iba ang naging reaksiyon ng mga kamag-anak ng mga biktima sa mabilis na pagkabitay kay Takuma. 

Ayon sa ama ng isang batang babaeng napaslang, hindi man lamang nila nalaman kung pinagsisihan ni Takuma ang kanyang kasalanan. 

Kasabay ni Takuma, binitay rin noong Huwebes ang dating gangster na si Sueo Shimasaki. 

Nasintensiyahan ito noong Marso 1999 sa 11 sala kabilangang na ang pagpatay at pagnanakaw.

Sat, Sep. 11th, 2004, 05:53 am
TOTOO BA?

PAG-UUSAP UKOL SA FTA NG JAPAN AT PILIPINAS, NAG-UMPISA

Ayon sa mga opisyal ng Japan, nag-umpisa ang pang-apat na round ng mga negosasyon sa pagitan ng Japan at Pilipinas noong Setyembre 6 sa Tokyo ukol sa bilateral free trade agreement ng 2 bansa. 

Sinabi ng mga opisyal na inaasahang mapag-uusapan sa 3 araw ng negosasyon ang mga isyu gaya ng pagpapalitan ng mga produkto at serbisyo at pamumuhunan. 

Sa iminungkahing FTA, nais ng Japan na magbigay ang Pilipinas ng mas maraming oportunidad para sa pamumuhunan at pagpapalitan ng serbisyo sa mga kumpanyang Hapon samantalang ang Pilipinas naman ay nagnanais na buksan ng Japan ang job market nito para sa mga Pilipinong nurses at healthcare workers.

Inumpisahan na ng pamahalaan ng Japan ang mga pag-aaral ukol sa paggawa ng isang training system upang tumanggap ng mga Pilipinong nurses at caregivers sa Japan. 

Pinag-aaralan ng Tokyo ang isang sistema, kung saan ang mga kuwalipikadong Pilipinong nurses, na may kakayahang magsalita ng wikang Hapon, ay tatanggap ng training sa mga ospital at iba pang medikal na pasilidad sa Japan bago kumuha ng qualification exams ng Japan. 

Sa kasalukuyan, ang mga dayuhang nurses ay pinapayagang magtrabaho sa Japan matapos gumraduate mula sa mga Japanese nursing schools at matapos makakuha ng kuwalipikasyon mula sa pamahalaan ng Japan. 

Nilalayon ng dalawang bansa na magkasundo sa mga pag-uusap sa FTA bago matapos ang taon.

20 most recent