Pero
sa selebrasyon ng Pasko sa Pilipinas, mayroong: “I’m
dreaming of a white Christmas” at nilalagyan
ang Christmas tree ng pekeng snow (yari sa bulak,
sabon, o foam).
Pero kung tatanungin natin kung bakit may snow sa
Paskong Pinoy, tanungin na rin natin kung bakit ang
isang bansang halos nasa equator ay may Christmas
tree na pine; kung bakit may Santa Claus, chimney
at medyas pampasko, mistletoe; mga paputok, keso de
bola, hamon, candy cane, puto bumbong at bibingka,
simbang gabi na ginagawa sa madaling araw, caroling,
at kung anu-ano pang parang pinaghalong-kalamay na
tradisyon.
Ang pinagmulan ng Christmas tree, ayon sa mga babasahin,
ay ang bansang Germany. Si Santa Claus ay di umano
taga-North Pole. Ang chimney ay tinatayo sa mga malamig
na bansa. Ang hamon ay kadalasang gawa ng mga Tsino;
pati na ang mga paputok (na nakalaan talaga sa Bagong
Taon). Ang keso de bola ay tunog Kastila. At ang puto
bumbong at bibingka lamang ang Pinoy na Pinoy.
Tanungin na rin natin kung bakit ang haba-haba ng
selebrasyon ng Pasko sa Pilipinas. Mula ika-16 ng
Disyembre hanggang sa ika-25. At may nagsasabi pang
hanggang sa Pista ng Tatlong Hari sa mga unang araw
ng Enero ng susunod na taon.
Sa mga madaling araw ng ika-16 ng Disyembre hanggang
25 nagaganap ang Simbang Gabi na hindi naman talaga
gabi kung tutuusin dahil madaling araw na nga. Misa
de Aguinaldo ang tawag ng iba, ang iba naman ay Misa
de Gallo.
Tanungin na rin natin kung bakit may Noche Buena na
kapag walang keso de bola at hamon, o kaya’y
pagkaing pampyesta ay biglang mararamdaman ng Pinoy
na naghihirap na nga siya.
Tanungin na rin natin kung bakit ang mahal-mahal ng
Pasko: mahal ang bilihin, maraming regalo ang kailangang
bilihin; kailangang may bagong damit at kagamitan;
maraming pagkain; at bakit “nagtatago”
ang mga tinatawag na ninong at ninang.
Pinaghalong kalamay talaga ang Paskong Pinoy. Suma-total
ito ng mga impluwensya ng mga dayuhang sumakop sa
atin at kung paano natin tinanggap ang mga impluwensyang
ito.
Pasko
sa ilalim ng Kano
Ipaghalimbawa natin ang pagkakaroon ng snow. Dala
na ito ng mga Amerikano kasama ang iba pang gawing
pampasko tulad ng Santa Claus, Christmas tree, medyas,
mistletoe, Christmas wreath at Christmas card, pati
na ang caroling.
Samantala, ang mga inakala nating gawi ng mga Amerikano
ay impluwensya naman sa kanila ng pinaghalong-kalamay
ding kultura nila dulot ng migrasyon ng mga Europeo
sa Amerika. Kaya’t kahit hindi tayo nasakop
ng mga Aleman, mayroon tayong Christmas tree. O, kung
paniniwalaan ang ibang nakasulat, napirmis ang konsepto
ng Christmas tree sa mga Ingles. Pero may nagsasabi
ring maaaring higit na malalim pa ang pinagmulan nito;
gaya halimbawa sa kultura ng Ehipto na gayon ding
dinidekorasyonan ang mga puno ng pino.
Sa Pilipinas, sa gawi lang ng Baguio may pwedeng masabing
Christmas tree o puno ng pino. Pero teritoryo ito
ng mga Igorot at iba pang cultural communities na
hindi naman agad naging Kristiyano.
Paatras pa sa kasaysayan, ang pagkakaroon ng Simbang
Gabi o Misa de Gallo ay siyang nagpahaba sa selebrasyon
natin ng Pasko. Ang Simbang Gabi ay paghahalo ng gawi
ng mga Pinoy at mga Kastila.
Impluwensiya
ng Mexico at Kastila
Galing Mexico ang Misa de Gallo o misa ng tandang.
Sa Mexico, dahil isa ring sakop ito ng mga Kastila
noon at sa natural na daanan ng mga Kastilang tutungo
sa Pilipinas. Pero hatinggabi ang Misa de Gallo. Paano
naging madaling araw ito?
Sa simpleng dahilan – mas makakapagmisa ang
mga Pinoy kung gagawin ito bago sila magtrabaho sa
bukid, madaling araw ang gising ng mga magsasakang
Pinoy noon, at tulog na tulog naman sila kapag hatinggabi.
May nagsasabi ring natapat ang anihan sa buwan ng
Disyembre at may sinaunang ritwal ang mga Pinoy sa
pasasalamat sa magandang ani. At yamang ang Pasko
ay isang ritwal na pasasalamat sa pagsilang ng Manunubos,
madaling nakapasok sa pag-unawa ng Pinoy ang gawing
ito.
Matapos magsimbang gabi, syempre kailangang mag-agahan.
Sa gayon, ang pagkakaroon ng mga pagkain sa gilid-gilid
ng simbahan. At bakit puto bumbong at bibingka at
salabat? Anihan noon at ang puto at bibingka ay nagmula
sa inaning bigas. Ang salabat naman ay mula sa luya;
na higit na laganap noon kaysa sa kape.
Bukod sa pagsimba-simba, ano pa ang mga ginagawa ng
mga Pinoy kapag Pasko noong panahon ng Kastila?
Ayon kay Jose Rizal at ibang nagtala ng kasaysayan,
naku, pagkalembang lang yata ng kampana, misa uli,
at ilang “dula” gaya ng Panunuluyan.
Karamihan ng alam natin at ginagawa natin ngayon kapag
Pasko ay dala na ng mga Amerikano at ng kanilang komersyalismo.
Bukod sa mga nabanggit na kanina, ang pagpapalitan
ng regalo, kris kringle, pagdeklara ng mahabang bakasyon,
at caroling ay paghahalo ng taimtim at banal na ritwal
at komersyalistang pagtingin sa okasyong ito (para
maraming maitinda at mabili).
Bagamat may ilang account ng pananapatan o pagkanta-kanta
sa tapat ng bahay bago dumating ang mga Amerikano,
ang gawing ito ay hindi bunga ng paghingi ng regalo,
sabihin pa, ng barya o pera. Sa katunayan din, ang
mga awiting pampaskong alam natin ay nalikha sa panahon
na ng mga Amerikano.
Pinaghalong-kalamay
Maging ang pagpapalawig sa konsepto na ang Pasko ay
para sa mga bata ay dulot na rin ng komersyalismo.
Yaon ay, upang mabigyan ng regalo ang mga ito; at
hindi dahil sa pagsilang ng sanggol o ng batang si
Kristo.
Kaya nga pinalaganap si Santa Claus na may dalang
regalo o aginaldo, para na rin pasiglahin ang pagbili
ng maireregalo. Lumayo na ito nang lumayo sa konsepto
na ang Pasko ay ang pagreregalo sa Sangkatauhan ng
isang Kristong sasagip sa kanila.
Kawing-kawing na iyan. Pati na ang pagdeklara ng mahabang
bakasyon ay upang mabigyan ng panahon ang mga Pinoy
na idaos ang Pasko.
Kaya nga sa gitna ng masayang selebrasyon, ang Pasko
rin ay ang panahon na harassed ang Pinoy. Kailangang
may pera siya dahil ang selebrasyon ng dating tahimik
na Pasko ay isa nang komersyalisadong okasyon. At
dahil na rin ang mga bagay na ikinawing sa Pasko ay
mga bagay na hindi pang-araw-araw na bagay. Pampista,
wika nga.
At magbabago pa yan, sa mabuti man o sa hindi.
Sa mga impluwensyang dala ng mga Pinoy na galing sa
halos lahat ng sulok ng daigdig, dadagdag at dadagdag
ang mga iyan sa pinaghalong-kalamay na Pasko natin
ngayon.
Ngayon pa nga lang, may pizza at sushi na sa Noche
Buena. May wine na ikina-kampai. Pati mga Pinoy na
Muslim ay nakiki-Pasko na rin.
Dumating man ang lahat ng impluwensya mula sa ibang
bansa, ‘wag lang ang snow. Gaya na ng nasabi,
isang matinding climate change ang magdudulot niyan.
At ayaw nating mangyari iyan. |